HOPE THROUGH BASKETBALL
Ito ang motibasyon ko sa pagtuturo ng basketball. Tatlong taon na ang lumipas nang iwan ko ang dati kong trabaho upang maging full time coach. Simula noon, ito ang mga salitang nagtutulak sa akin upang magpatuloy. Naniniwala akong sa pamamagitan ng basketball ay maaring bigyan ng pag-asa sa buhay ang mga bata. Nais ko silang ma-inspire na mangarap at abutin ang mga ito. I want them to see that they can be someone great not because they play well, but because they lived a life of significance and a life lived for others.
Last summer, dalawang proyekto ang pinasimulan ko sa tulong ng aking Assistant Coach. Una ay ang Basketball Shoe Project. Nangalap kami sa aming mga players ng mga sapatos na hindi na ginagamit. Ang mga nakolekta ay ibinigay sa mga batang manlalaro sa Mauban, Quezon. Pangalawa ay ang Hope Project Basketball Training. Napakaraming basketball clinic dito sa Lucena ngunit lahat ay may bayad. Pero may mga hindi kayang magbayad kaya't nilayon naming makapagbigay ng libreng quality training. Ang unang challenge ay pera – saan kami kukuha ng bola, uniform, at pambayad sa court? Pangalawang challenge ay man power – dadalawa kaming coach na magtuturo sa 95 na bata. Sa biyaya ng Diyos, may mga tao at grupong sumuporta kaya ang mga pangangailangang ito ay natugunan. Sa pangalawang araw ng training, may tatlong volunteers na dumating. Hindi namin sila kinontak. Narinig lang daw nilang may proyekto kami kaya nais nilang tumulong. Sinabi kong wala kaming maibibigay na bayad sa kanila. "Coach, hindi ako nandito para sa pera, andito ako dahil passion ko ito at nais kong magturo sa mga bata", wika ng isang coach. "For the love of the game", ang sabi naman ng isa pang volunteer coach.
Sa loob ng dalawang linggo, tinuruan namin ang 95 na mga bata. Nagkaroon din kami ng mga Bible Study, note taking, at tinuruan din silang maglinis ng court at mag-ayos ng mga equipment. Sa ganitong paraan, hindi lamang sila gumagaling sa basketball, ngunit sa iba pang aspeto ng buhay – spiritual, social, mental at emotional. Pangrap naming magawa ito taun-taon. Sana ay marami pang sumuporta upang mas marami ring maabot pang mga bata.
Nung nakita ko ang page ng YSA, lalo akong nainspire at namotivate na ipagpatuloy ang aming ginagawa. Nakatutuwa dahil may mga tao at grupong hindi kasikatan at yaman ang habol kundi ang magkaroon ng magandang impluwensiya sa susunod na henerasyon, sa pamamagitan ng sports. Ito rin ang tibok ng aming isip at puso.
-Chino Tan Coach, HOPE Project Basketball Training, kasama sina Coach Rupert, Jakki, Angel at Marlon